A note written two years ago. This composition used to make me cry.. I just miss Colegio San Antonio and the people who used to be in it.
Unang hakbang sa pag-aaral. Wala kang ideya kung ano ang ituturo sa iyo, basta ang alam mong masarap ang naghihintay sa'yo pagdating ng recess. Ito ang araw na hindi mo pinapalampas. Mga bagong kalaro, unang guro, at syempre suot mo ang bagong-bago mong black shoes, malit na backpack, maraming bagong tasa na lapis at bagong pad ng papel.
Ikalawang hakbang. Na-realize mo na lumiliit at sumisikip na ang sapatos at kailangan mo na bumili ng triple sa size mo noon. Kailangan mo na rin ng malaking backpack. Hindi na lapis ang dala mo kundi ballpen na may iba't ibang kulay at malaki na rin ang papel na dala mo. Ibang laro na din ang natutunan mo, yung tipong hindi ka na hinahabol ni Ms. Gavar at Ms. Garcia noon, kundi tatakutin ka naman ng mahabang stick ni Ms. Tuazon sa kaingayan mo. Nakita mo kasi ang crush mo. Inasar ka sa mababang grade mo sa Math dahil hindi ka nakinig kay Ms. Endrinal. Bukod sa medyo malaki mong baon, malaki at mahal na din ang tinda sa canteen. Marami kang ate at kuya na sinasalubong sa hallway.
Bago na naman ang sapatos mo. Mas malaki na sa dati, bukod sa nawakwak ang unahan nito, masikip na naman, ikatlong hakbang ka na pala. Nagkakaroon ka na ng pimples na sadya namang kinaiinis mo. Ikaw na ang ate at kuya ngayon. Iba na ang mga guro mo, mas mahihirap ang subjects. Halos malito ka kakaisip kung paano mo ipagbabalance sa debit at credit sa trial balance ang mga numerong binigay ni Ms. Tapang. Humahanga ka sa Math at maiisip mong may magical notebook si Ms. Castillo. Sasakit ang tyan mo kakatawa sa klase ni Ms. Ballecer, kung saan lumilipad ng notebook ng mga lalaki mong kaklase. Nasisiyahan ka sa malikhaing pasulatin ni Ms. Ricarte at ni Sir Allan. At kung gaano mo ipinagdasal ang Biology ni Ms. Paglicawan, mag-rorosaryo ka sa hirap ng formula sa Physics ni Ms. reyes. Hahanga ka sa pagkanta ni Ms. Pabora. At talagang babasahin mo ang kabanata ng El Fili dahil kinakabahan kang may pop quiz si Sir Ricky. Napakinggan mo ang iba't ibang awitin sa pamamagitan ni Sir BJ na laging masayahing kumakanta at syempre mas gusto mong mag mag-computer hindi dahil may hands-on activity kay Ms. Gregarte, Ms. Ayuste at Sir Kent, kundi dahil sa lamig na talaga namang makakatulog ka. Ang paggawa ng malikhaing art na sadyang ayaw na ayaw mo ang natutunan mo kay Sir Quiohilag at nabanat ang mga buto sa exercises ni Ms. Layoso. Ineenjoy mo din ang activities at parties kung saan sinasayaw ka ng crush mo. kabado tuwing kuhanan ng card dahil hindi mo na naman sigurado kung kasali ka pa sa Top 5. Ang pagkapanalo nyo sa cheering, ang JS na walang kapantay at ang masasayang araw mo kasama ang barkada mo.
Hapon, pagdating mo sa eskwela, naroon ang barkada mo. Masaya sila. Sumali ka sa picture-taking at nagsimula na ang graduation march. Nakita mo ang nanay mo na masayang-masaya habang kinukuha mo ang diploma mo sa stage. Pagkatapos, nagpaalam ka at tumuloy kayo sa pinakamalapit na Max's restaurant. Kinabukasan paggising mo, graduate ka na pala. Maraming tanong ang nasa isip mo, naglalaro at nagpapalito. Hindi mo alam kung saan maghahanap ng sagot. Binuksan mo ang Friendster account ng batch nyo, naluha ka at naalala ang mga nabuong alaala sa mga litratong iyon. Doon mo lang na-realize na hindi na pala sila ang katawanan mo sa susunod na araw, hindi na ang mga dating mong guro ang magtuturo sayo ng maraming bagay, hindi na ang mga pagkain na kinasasawaan mo ang kakainin mo tuwing recess. Wala ka nang babasahing kontrobersyal na vandalism sa CR sa tuwing papasok ka doon, wala nang mapapanood na suntukan sa lunch, wala nang patagong pagkuha ng picture ng crush mo, wala ng pang-aasar ng kaklase at wala ka nang aasarin, DAHIL GRADUATE KA NA. Iba na ang eskwelahan na papasukan mo, at hindi ka na gagawa ng nirereklamo mong assignments at pagrereview sa quiz mo kinabukasan. At aminin mo man o hindi, marami kang pinagsisihan.
Pasukan. Nasa ikaapat na hakbang ka na. Wala ng service na maghahatid sayo. Iba na ang black shoes at iba na ang bag mo. Dumami ang pimples mo na tila makakabuo ng constellation of stars. Iba na naman ang guro mo at wala kang kaibigan na makakausap. Parang bumalik ka lang sa unang hakbang, kaya lang malaki ka na at wala ng baon sa recess na luto ng nanay mo na hinihintay mo.
No comments:
Post a Comment