Katapusan na naman ng semstre, pansamantalang nakawala sa mga sibat na tumarok sa iyong dibdib. Break muna sa pagsusulat, pagbabasa, pagrerebyu, paggawa ng kung anuman para lamang makapagkamit ng matamis na kwatro. Wave goodbye na sa mga propesor na nagpahirap, nagpaiyak, nagpahirap, nagpangiti, nagpahirap, nagpakilig, at NAGPAHIRAP sa'yo. Pansamantalang hindi malalasap ang malamig na buko juice at mainit na lumpia sa may labasan. Makapagpapahinga muna sa cabinet ang mga plantsadong uniporme. Hindi muna kailangang makipagsiksikan sa bus at malanghap ang usok ng jeep. Gutom naman ang wallet mo dahil ilang linggo din syang di makakatikim ng alawans mula kay Mommy. Magiging walang kwenta muna ang alarm clock mo. Dadaan ang isang buong araw na hindi ka nagsuklay at tumitingin sa salamin. Walang crush na aabangan, walang pagpapacute-an. Buong araw nakahimlay, gabi hanggang madaling araw online. Halos lahat na ng pelikula sa mundo napanood na. Halos lahat na ng pagkain sa ref nakain na. Susulitin ko na 'to! Tatlong linggo ding hindi ko makikita ang mga propesor kong KJ, tatlong linggong walang inaalala. Aaalalahanin mo lang kung anong nakahaing almusal sa'yo pagkagising mo. Tingnan mo, nakakapagsulat ako ng hanggang ala una ng madaling araw.
Sem break na e!